Naglunsad ng tracking system ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nais bumalik sa bansa ngayong panahon ng pandemic.
Ito ay tinawag na OFW Assistance Information System o OASIS kung saan sa pamamagitan nito ay matitiyak ang maayos na repatriation ng mga pauwing OFW.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, layon ng sistemang ito na matiyak na maibibigay ng sapat at napapanahon ang ayuda upang maibsan ang pangamba ng mga OFW sa panahong ito ng pandemya.
Sinabi ni Bello na sa pamamagitan ng tracker na ito ay matutukoy ng gobyerno kung nasaan na ang mga inililikas na OFW upang agad na makapaghanda ng tulong sa kanilang pagdating sa bansa.
Binuo aniya ang sistemang ito upang mas mapabilis ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa Pinoy workers na nawalan ng trabaho sa ibang bansa.
Ang DOLE Command Center ang siyang mangunguna sa sistemang ito na magsisilbi rin bilang database para sa OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Ilan sa mga kinakailangan aniyang maihanda ng pamahalaan ay ang swab testing para sa kanila at maging transport patungo sa mga hotel na tutuluyan para sa quarantine at iba pang kinakailang proseso.
Kabilang din sa maaaring matukoy sa pamamagitan ng tracker ay ang airline na sinakyan ng OFW, health condition nito, address sa Pilipinas at iba pang mahalagang impormasyon.