Muling pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga employer patungkol sa “pay rules”, o pagbibigay ng tamang sahod sa kanilang manggagawa sa isang special non-working holiday.
Kasunod na din ito ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa bansa sa darating na January 25, 2020 na deklaradong special non-working holiday.
Ayon sa DOLE, sa special non-working holiday, ang mga manggagawang magtatrabaho ay kinakailangang bayaran ng dagdag 30 percent sa unang walong oras ng trabaho.
Habang ang trabaho namang sumobra sa walong oras ay dapat bayaran ng dagdag na 30 percent ng kanyang hourly rate sa nasabing araw.
At kung nagtrabaho naman ang mangagawa sa kanyang day-off, dapat ay babayaran siya ng karagdagang 30 percent sa kada-oras ng kanyang trabaho.
Maaari naman umiral ang prinsipyong “no work, no pay” kapag hindi pumasok sa trabaho ang isang manggagawa, depende na lang sa umiiral na polisiya ng kumpanyang kanyang pinaglilingkuran, o sa napagkasunduan sa kanilang collective bargaining agreement, o CBA.