DOLE, nakahandang magbigay ng ayuda sa mga empleyadong nabiktima ng lindol sa Davao del Sur

Inihahanda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ibibigay na ayuda sa mga manggagawang nabiktima ng magnitude 6.9 na lindol sa Davao del Sur at mga kalapit na lalawigan sa Mindanao.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pagkakalooban ng gobyerno ng tulong ang mga displaced worker sa ilalim ng “Emergency Employment Assistance Program.”

Sinabi ng opisyal na agad na siyang kumilos, kahit wala pang direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nakipag-ugnayan na siya kay DOLE Regional Director Raymundo Agravante kaugnay sa emergency employment sa mga empleyadong apektado ng lindol.


Sa ngayon, nagsasagawa na ng profiling ang DOLE o inaalam na kung sinu-sino ang mga nawalan ng trabaho dahil sa lindol.

Ang mga mapapasama sa listahan ay tutulungan ng DOLE, gamit ang available na pondo ng ahensya.

Noong nakalipas na mga lindol sa Mindanao, naglabas na ang DOLE na milyon-milyong pisong emergency employment fund para sa mga manggagawang nabiktima ng lindol.

Maging ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at kanilang mga kaanak na nasalanta rin ng kalamidad, ay aayudahan ng pamahalaan.

Facebook Comments