DOLE, nakapagpauwi na ng higit 25,000 OFWs

Aminado si Labor Secretary Silvestre Bello III na naging malaking hamon para sa kanila ang naging ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte na pauwiin ang nasa 25,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatengga sa iba’t ibang quarantine facilities na naghihintay na lamang ng resulta ng kanilang PCR test.

Sa kabila ng hamong ito ay pinilit pa rin nilang makamit ang isang linggong palugit ng Pangulo para mapauwi ang mga stranded OFWs.

Ayon kay Bello, naisakatuparan ito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Department ng Transportation (DOTr), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang  sangay ng pamahalaan.


Kwento pa ng kalihim, noong una ay tila diskumpiyado silang mapapauwi ang lahat ng OFWs dahil natatagalan ang paglalabas ng resulta ng kanilang PCR test.

Pero noong gabi ng May 31, nakamit nila ang kanilang target na 25,002.

Sa nasabing bilang 10,100 ang napauwi sa pamamagitan ng eroplano; 7,900 ang by land o napauwi sa pamamagitan ng bus habang nasa 385 ang napauwi sa pamamagitan ng barko.

Umabot naman sa 6,576 ang mga sinundo ng kani-kanilang mga kamag-anak sa iba’t ibang quarantine facilities na una nang napagkalooban ng sertipikasyon na sila ay ligtas mula sa COVID-19.

Facebook Comments