Umapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat na mapagpasensya sa harap ng panawagan sa pamahalaan na bawiin na ang overseas deployment ban sa mga healthcare worker.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, iniisip lamang ng gobyerno ang kanilang kapakanan at kaligtasan lalo na at may kinahaharap pa ring pandemya.
Iginiit ni Bello na kapag nag-deploy ang bansa ng medical workers na walang anumang kontrol, posibleng magkulang ang mga mag-aalaga sa mga pasyente sa bansa lalo na ang mga tinamaan ng COVID-19.
Dagdag pa ni Bello, kailangang pag-aralan kung gaano karaming healthcare workers ang papayagang umalis ng bansa.
Pinayuhan naman ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia ang nursing sector na hilingin sa Inter-Agency Task Force (IATF) na i-adjust ang petsa ng cut-off mula March 8 patungong August 31 sa halip na hilinging bawiin ang deployment ban.
Tatalakayin ng DOLE ang isyung ito sa Philippine Nursing Association, Department of Health, at Philippine Red Cross.
Nabatid na pinayagan ng IATF na umalis ng bansa ang mga healthcare workers na mayroong kontrata mula nitong March 8.