DOLE-NCR, nagbigay-linaw sa panuntunan sa Emergency Employment Program para sa mga e-trike drivers sa Maynila

Nilinaw ng Department of Labor and Employment o DOLE ang pagkakaloob nito ng emergency employment sa mga electric -trike drivers sa Lungsod ng Maynila.

Ayon kay DOLE-NCR Regional Director Sarah Buena Mirasol, bagama’t ang mga mabibiyayaan ng emergency employment program ay ang mga e-trike drivers sa Maynila, gagawin ang mga trabaho ng mga ito sa kani-kanilang mga barangay para mag-disinfect ng kanilang mga lugar.

Taliwas ito sa unang mga lumabas na balita na babayaran ng Kagawaran ang 189 e-trike drivers sa paghahatid ng mga frontline workers sa kanilang trabaho.


Paliwanag ng DOLE-NCR, ang emergency employment ay nasa ilalim ng Barangay Ko, Bahay Ko (BKBK) work scheme o Tulong Pangkabuhayan ng DOLE.

Layon ng naturang programa na matulungan ang informal sector workers na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19.

Tiniyak ng DOLE-NCR na nakahanda na ang pondo para sa naturang emergency employment program.

Facebook Comments