DOLE, pinaglalatag ng programa para sa mga Pinoy POGO worker na posibleng mawalan ng hanapbuhay

Pinamamadali ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa paglalatag ng detalyadong programa para sa mga manggagawang Pilipino na posibleng mawalan ng trabaho sa oras na tuluyang ipagbawal na ang POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.

Aabot sa 22,000 Pinoy POGO workers ang nasa POGO industry ngayon na posibleng maapektuhan sakaling i-ban ang mga POGO sa bansa.

Bagama’t nauna nang tiniyak ng DOLE na humahanap na ng paraan ang ahensya sa kung papaano matutulungan ang mga Pinoy POGO workers kapag tuluyang inalis sa bansa ang mga POGO, binigyang diin naman ni Gatchalian ang pangangailangan na magkaroon ng detalyadong programa para sa mga madi-displace na manggagawa kasama na rito ang retooling at upskilling ng kanilang mga kakayahan.


Sinabi ni Gatchalian na mahalagang may nakahanda nang tulong at intervention ang pamahalaan para matulungan ang mga kababayan na makahanap ng kapalit na trabaho sa lalong madaling panahon.

Inirekomenda ng senador na maaaring magbigay ng mekanismo ang Labor Department na direktang mag-uugnay sa mga displaced Filipino POGO workers sa ibang industriya tulad ng Business Process Outsourcing (BPO) sector lalo’t ang nasabing industriya ay kinakitaan ng paglago na makapagbibigay ng trabaho sa mga kababayan.

Facebook Comments