
Ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang imbestigasyon sa nangyaring pagsabog sa loob ng gun manufacturing company sa Barangay Fortune, Marikina City.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, inatasan na niya ang DOLE-National Capital Region na mag-imbestiga upang makapagbigay ng tulong sa mga manggagawa lalo na ang mga nasugatan at sa pamilya ng nasawi.
Paraan din ito para makabuo ng rekomendasyon upang matugunan ang sitwasyon at maiwasan ang katulad na insidente na maaaring maglagay sa panganib sa kaligtasan ng mga manggagawa.
Sinabi pa ni Laguesma na ipapatupad ang Work Stoppage Order laban sa pasilidad depende sa resulta ng imbestigasyon.
Binigyang-diin ng kalihim ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng mangaggawa ang dapat na manguna.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Marikina City Police, nalaman na ang kahon na naglalaman ng primer o kemikal sa paggawa ng gunpowder ang dahilan ng pagsabog sa loob ng factory.









