Manila, Philippines – Hinikayat ni Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor ang Department of Labor and Employment o DOLE na taasan na rin ang sweldo ng mga nurses na nasa private sector.
Ito ay bunsod na rin ng pagtaas ng sahod ng mga kawani ng pamahalaan kasama na dito ang mga nurses na nagtatatrabaho sa gobyerno kasunod ng pagpirma ni Pangulong Duterte sa Salary Standardization Law (SSL) 5.
Hinimok ni Defensor ang DOLE na itakda na sa P32,053 ang sweldo ng mga nurses sa private sector katulad sa mga matatanggap ngayon na sahod ng mga nurses sa gobyerno na nasa entry-level o mas mataas pa dito.
Paliwanag ng kongresista, sa pamamagitan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ay may kapangyarihan ang DOLE na baguhin ang minimum pay ng lahat ng mga manggagawa sa industriya kasama na ang mga nurses na nasa private hospitals, clinics, at diagnostic centers.
Sinabi ni Defensor na dapat mahikayat ang mga bagong nursing graduates na magtrabaho sa ating mga ospital sa parehong public at private upang magkaroon ng stable na suplay ng mga nurses.