Ikinabahala nina Senators Leila de Lima, Risa Hontiveros at Joel Villanueva ang pagsuspinde ng pamunuan ng food delivery app na Foodpanda sa hindi bababa sa 500 accredited riders nito sa Davao City.
Diin ni De Lima ang ganitong panggigipit sa mga manggagawa sa gitna ng pandemya ay hindi makatao at hindi makatarungan!
Panawagan ni De Lima sa gobyerno, pangalagaaan at tiyakin ang kapakanan, kaligtasan, at kinabukasan ng mga riders at iba pang tinatawag na gig workers.
Giit naman ni Hontiveros sa DOLE, mamagitan na sa sitwasyon at tingnan ang kalagayan ng mga Foodpanda riders, upang masiguro na hindi matitigil ang serbisyo nito at higit sa lahat, maproteksyonan ang lahat ng karapatan ng mga delivery riders.
Ayon kay Hontiveros, bawat araw na sila ay pinagbabawalang lumabas ay katumbas ng isang araw na wala silang maiuuwing kita sa kanilang pamilya.
Kaugnay nito ay hinikayat naman ni Senator Villanueva ang kanyang mga kasamahan na suportahan ang Freelance Workers Protection Act na layuning gawing patas ang estado ng mga mga employer at manggagawa kasama ang delivery riders.
Paliwanag ni Villanueva, nakapaloob sa panukala ang pagkilala sa mga freelance workers at pagtataguyod sa kanilang mga karapatan sa ilalim ng freelance arrangement.