DOLE, pinapakilos sa mga reklamo ng mga empleyado sa service contracting program ng LTFRB

Hiniling ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na manghimasok na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga reklamo ng mga empleyado sa Service Contracting Program ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB).

Kaugnay ito ng alegasyon ng mga empleyado laban sa mga service contracting companies na dinadaya umano ang kanilang sahod at benepisyo at ginagantihan ang mga workers na nagrereklamo sa pamamagitan ng pagsibak sa mga ito sa trabaho.

Lumiham ang kongresista kay Labor Sec. Silvestre Bello III kung saan umapela ito na manghimasok na sa isyu para sa mga empleyado.


Lumalabas kasi aniya na may sapat na batayan para imbestigahan ang posibilidad na paglabag sa labor laws.

Nakasaad sa liham ng mambabatas sa Kalihim na hindi natatanggap ng mga drivers at conductors na kinuha ng LTFRB ang kanilang sahod “on time” at hindi rin nabibigyan ng tamang insentibo kapalit ng kanilang serbisyo.

Nagbabala ang kongresista na posibleng maharap tayo sa mas malalang problema sa transportasyon na isa rin sa mga dahilan ng pagtaas naman ng inflation kung hindi masosolusyunan ang nasabing problema.

Facebook Comments