DOLE, positibo na magtutuloy-tuloy na ang pagbangon ng bansa sa pandemya; Ilan pang tourist destination, nakatakdang buksan!

Positibo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magtutuloy-tuloy na ang pagdami ng bilang ng may trabaho sa bansa na direktang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III, na mula sa 3.8 million unemployed na naitala ng Philippine Statistics Authority nitong Oktubre, mas bumaba pa ngayon ang unemployment rate.

Batay sa pagtataya ni Bello, nasa 3.5 million individuals na lang ang walang trabaho o katumbas ng 8.5 percent.


Tiwala si Bello na sa susunod na taon ay mas lalo pang gaganda ang employment rate sa bansa dahil na rin sa unti-unting pagluwag ng mga quarantine protocols na ipinapatupad.

Samantala, masaya ring ibinalita sa interview ng RMN Manila ni Department of Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat na unti-unti nang nagbubukas ang turismo sa bansa bilang paghahanda ngayong kapaskuhan.

Ayon kay Romulo-Puyat, bukod sa nauna nang nagbukas ang Boracay at Baguio City para sa mga local tourist, tumatanggap na rin ngayon ng mga bakasyunista sa Ilocos Sur, Ilocos Norte at El Nido sa Palawan.

Nakatakda na rin buksan sa publiko ang Coron sa Palawan, Surigao at probinsya ng Bohol.

Bilang pagtugon naman sa posibleng demand ng swab test, sinabi ni Puyat na nakikipagtulungan na sila sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) para maging P1,800 na lang ang halaga ng COVID-19 RT-PCR test sa mga turista.

Facebook Comments