DOLE, pumalag sa SWS survey na nagsasabing 27.3-M Pilipino ang nawalan ng trabaho noong Hulyo dahil sa COVID-19

Pinalagan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan halos kalahati ng bilang ng mga Pinoy ang nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.

Lumabas sa survey na 27.3 milyong indibidwal o 45.5% ng adult labor force ang unemployed noong Hulyo kung saan naungusan nito ang record-high 34.4% na naitala noong March 2012.

Ayon kay Bello, 3.3 milyong Pilipino lamang ang unemployed base na rin sa mga negosyong nagpasabing magbabawas ng mga manggagawa o tuluyang magsasara.


Giit ng kalihim, ang datos ng SWS ay hindi actual joblessness.

Aminado naman si Bello na maaaring umabot sa walo hanggang sampung milyong Pilipino ang mawawalan ng trabaho kung magpapatuloy ang pandemya.

Samantala, nakapagpalabas na ng P3.3 bilyong halaga ng ayuda ang Labor Department para sa 657,000 manggagawang apektado ng pandemya.

Facebook Comments