Makikipagpulong ngayong araw si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa Inter-Agency Task Force (IATF) para talakayin ang apela ng grupo ng mga nurse na alisin na ang deployment ban ng health workers sa abroad.
Sa isang panayam, sinabi ni Bello na kumpiyansa siyang pagbibigyan ng IATF ang hiling ng health workers.
Kailangan lang aniya na masigurong may sapat na bilang ng mga nurse sa bansa na tutugon sa pangangailangang medikal ng mga Pilipino lalo na sa panahong ito ng pandemya.
Ayon naman sa grupong Filipino Nurses United, wala nang dahilan para i-ban pa ang mga nurse dahil tapos na ang emergency hiring ayon mismo sa Department of Health (DOH).
Katwiran ng grupo, walang karapatan ang pamahalaan na piliting manatili sa Pilipinas ang healthcare workers kung may pagkakataon sila sa ibang bansa na i-ahon sa hirap ang kanilang pamilya.
Una rito, nanindigan ang Malacañang na mananatili ang deployment ban hangga’t nakasailalim sa national emergency ang bansa.