Cauayan City, Isabela – Tiniyak ni DOLE Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III na maayos ang pagpapatupad ng 3-araw na National COVID-19 Vaccination Day ng pamahalaan.
Kasabay ng pagbisita ng kalihim sa vaccination site sa City of Ilagan Medical Center (CIMC) ang panawagan sa lahat ng ahensya at lokal na pamahalaan na makiisa upang maging matagumpay na maisagawa ang pagbabakuna.
Ito ay bilang tugon rin ni Bello sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapabilis ang pagbabakuna sa Lambak ng Cagayan alinsunod na rin sa proklamasyon na nagdedeklara sa November 29 hanggang December 1 bilang ‘Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Day kung saan target na mabakunahan ang 15 milyong Filipino sa buong bansa.
Samantala, mahigit isang libong benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) ang idineploy sa isinagawang bakunahan ng Local Government Units sa rehiyon dos para tumulong sa pagrerehistro ng datos ng pagbabakuna gamit ang sistemang idinisenyo ng Department of Information and Communication Technology (DICT).
Patuloy namang aarangkada ang programa ng DOLE na ‘Reform, Rebound, Recover: 1 Million Jobs for 2021’ para sa mga construction at manufacturing workers kung saan 5 batch ng mga manggagawa na nabakunahan sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, at Nueva Vizcaya ang maaaring mabenipisyuhan ng naturang programa.
Kaugnay nito, umabot na sa mahigit 100,000 doses ng COVID-19 vaccine ang naiturok sa mga indibidwal sa unang araw ng Bayanihan, Bakunahan sa target na 547,176 para sa rehiyon.
Pinangunahan din ng kalihim ang isang Bikeccination awarding para sa 18 benepisyaryo sa Isabela bilang paraan ng DOLE sa paghikayat sa mga manggagawa na magpabakuna.
Namigay din ang DOLE ng mga bisikleta, cellphone, load at iba pang freebies sa mga manggagawang fully vaccinated laban sa COVID-19.