DOLE Sec. Laguesma: 75,000 trabaho, nilikha sa limang bansang pinuntahan ni PBBM

Nakalikha ng 75,000 mga trabaho ang gobyerno matapos ang investment commitments ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa biyahe nito sa limang mga bansa.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na ilang proyekto ang aarangkada katulad sa power sector partikular ang renewable energy matapos mangakong mag-invest ang limang bansa.

Ilan sa limang bansang ito ayon sa kalihim ay ang Germany, Singapore at Estados Unidos.


Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na ang DOLE sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Energy (DOE) para matukoy kung may sapat na manpower sa pagpapatupad ng mga bagong mga proyektong ito.

Nakikipagtulungan na rin ayon kay Secretary Laguesma ang mga iba’t ibang ahensya ng pamahalaan maging ang mga pribadong sektor para maging maayos ang pagpapatupad at walang pagka-antala ang mga proyektong ito.

Una nang ipinrisenta ni Secretary Laguesma kay Pangulong Marcos sa isinagawang sectoral meeting sa Malakanyang ang DOLE’s Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028 o LEP.

Ang LEP ay bahagi ng 8-Point Socio-Economic Agenda ni Pangulong Marcos na target ay mabawasan ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa at magkaroon ng kalidad na trabaho.

Facebook Comments