DOLE Secretary Bebot Bello III, Hindi Ipapahiya ang Isabelino sa mga Isyu ng Katiwalian!

City of Ilagan, Isabela – Mariing inihayag ni DOLE Secretary Bebot Bello III na hindi niya ipapahiya ang mamamayan ng Isabela sa mga isyu ng katiwalian na ibinabato sa kaniya ngayon.

Aniya tsismis lamang at walang katotohanan ang mga paratang na ginagamit ang kapangyarihan niya sa gobyerno upang magkamal ng salapi kung saan ay pinagkakakitaan lamang umano niya ang mga humihingi ng tulong sa kanyang tanggapan.

Ito ang naging pahayag ni Secretary Bello sa ginanap na Ceremonial Turn-Over of Lot Donation, Signing of Memorandum of Agreement at Ground Breaking Ceremony kahapon sa ipapatayong SSS Regional Office sa kapitolyo ng pamahalaang papanlalawigan ng Isabela partikular sa barangay Alibagu lungsod ng Ilagan.


Sinabi pa ni Bello na maging ang pangulong Duterte ay alam na umano ang nasabing usapin at pinayuhan umano siya ng pangulo na huwag pansinin ang mga isyu sa kanya.

Magugunita na pinagbibitiw ng Samahang Pagbabago National Movement for Change si Secretary Bello sa umanoy pangingikil sa lisensya ng mga Employment Agencies at hindi pagtulong sa isang OFW na maiuwi ang anak dito sa Pilipinas.

Ipinaliwanag pa ni Bello na hindi maaring iuwi ang sanggol sa bansa lalo na kung may dugong arabo at ito umano ay trabaho na ng DFA at hindi ang DOLE.

Hinala ng labor chief na parte ang akusasyon sa tangka ng naturang grupo para patalsikin siya sa puwesto at para maudlot ang kaniyang aplikasyon sa posisyon bilang ombudsman.

Facebook Comments