Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pinag-aaralan nilang mabuti ang panukalang nag-aalis sa compulsory retirement age sa mga manggagawa.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, maliban sa mga manggagawa, mahalaga ring makonsulta hinggil dito ang mga employer.
Aniya, may karapatan din kasi ang mga employer na mag-hire ng mga manggagawang makatutugon sa pangangailangan ng kanilang kompanya.
“Pwede po sigurong tingnan yan dahil meron din po tayong batas, sabi walang diskriminasyon na may kinalaman sa edad. Pero dapat po sigurong i-harmonize dahil ang bottomline po niyan ay yun pong prerogative, yung po namang karapatan din ng mga employer na mag-empleyo ng mga manggagawa na sa tingin niya ay makatutugon sa kanilang pangangailangan,” paliwanag ni Laguesma sa panayam ng DZXL558 RMN Manila.
“Siguro kung sinasabi natin na tatanggalin yan, dapat igalang din, irespeto rin kung ano yung mga polisiya ng ating pribadong sektor kasi at the end of the day yun pong services ng mga manggagawa, sila po naman talaga ang unang-una na dapat makaalam kung ano ang kanilang requirement,” dagdag ng kalihim.
Matatandaang inihain ni Senior Citizen Party-List Rep. Rodolfo Ordanes Jr. ang House Bill 3220 na mag-aamyenda sa Labor Code of the Philippines nang sa gayon ay maiayon din ito sa Anti-Age Discrimination Law.
Sa pinakahuling Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, lumabas na tumaas sa 38.2% ang bilang ng mga manggagawang Pilipino na edad 65 pataas noong buwan ng Hunyo.