Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na patuloy ang isinasagawang inspeksyon sa mga private establishments at workplaces para tiyaking ligtas at maayos ang working conditions ng mga manggagawa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DOLE Bureau of Working Conditions Director Ma. Teresita “Tess” Cucueco, kasama nila ang mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Local Government Unit (LGU) sa pagsasagawa ng inspeksyon.
Aabot na sa 48,000 labor inspections ang kanilang naisagawa sa 40,943 establishments sakop ang 1.5 million na manggagawa.
Nasa 31,000 establishment ang nakita nilang compliant.
Ginagawa nila ang pag-iinspeksyon para masigurong nasusunod ang public health standards at naaabot ang mga pamantayan sa ilalim ng Occupational Safety and Health Law.
Sinabi naman ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez, umaasa sila na susunod ang mga private establishments sa pagpapatupad ng minimum health protocols.
Ang mga empleyado ay maaaring mag-report sa DOLE para sa anumang paglabag na ginawa ng mga kumpanya hinggil sa occupational safety and health standards.