Aarangkada na sa susunod na linggo ang konsultasyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa sektor ng mga manggagawa at mga employer sa National Capital Region (NCR).
Ito ay matapos maglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng resolusyon para atasan ang regional wage boards na magsagawa ng pag-aaral sa minimum wages sa bansa.
Ayon sa DOLE, aarangkada sa May 23 ang konsultasyon sa mga manggagawa habang sa June 4 naman kokonsultahin ang employer sector.
Kasunod nito, magdaraos ng public consultation ang DOLE sa June 20 bago desisyunan kung magkakaroon ng adjustment sa sahod.
Umaasa ang DOLE na magiging makatarungan para sa dalawang sektor ang magiging salary adjustments batay sa sitwasyon ng bawat rehiyon sa bansa.
Mula noong 2022, tumaas ng mahigit pitumpung piso ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila kasunod ng dalawang wage increase.