DOLE, umaasang makakabawi ang labor market matapos maitala ang mataas na unemployment rate

Hindi na ikinabigla ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mataas na unemployment rate nitong Abril dulot ng epekto ng COVID-19.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat ang unemployment rate sa 17.7% o katumbas ng 7.3 million Filipinos na nawalan ng trabaho.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, umaasa sila na makakabangon ang labor force kasabay ng pagbubukas muli ng economic activities.


Sinabi ni Bello na inaasahan na nila ang magiging epekto ng global pandemic sa estado ng employment sa bansa lalo na at maraming establisyimento ang pansamantalang isinara at ang ilan ay napilitang sumailalim sa flexible working arrangement.

Tiniyak ni Bello na patuloy pa rin silang magbibigay ng employment facilitation services sa iba’t ibang plataporma tulad ng online, digital, face-to-face sa tulong ng Public Employment Services Offices (PESOs).

Nagpapasalamat ang ahensya sa pribadong sektor sa pagbibigay ng oportunidad sa mga displaced Filipino workers.

Sa ngayon, hinihintay ng DOLE ang pag-apruba at pagpapatupad ng whole-of-government recovery plan.

Facebook Comments