DOLE, umapela ng malasakit sa mga employer matapos ang lindol sa Cebu

Hinikayat ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer at kumpanya, partikular sa mga lugar na naapektuhan ng lindol, na maging mas maunawain at mahabagin sa kanilang mga manggagawa.

Ito ay kasunod ng mga napaulat na umano’y labor violations ng ilang BPO companies sa Cebu na pinilit pa rin ang mga empleyado na agad bumalik sa trabaho matapos ang malakas na lindol.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang hindi pagpasok ng mga empleyado sa ganitong sitwasyon ay hindi dapat ituring na pagtanggi o pagsuway na maaaring patawan ng parusa.

Gayunman, pinaaalalahanan din ng DOLE ang mga manggagawa na unawain ang kalagayan ng kanilang employer at iwasan ang agarang pagrereklamo.

Mas mainam aniya na dumaan sa maayos na dayalogo upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan na maaaring magdulot ng hidwaan at tensyon sa workplace.

Kanina, naghain ng pormal na reklamo ang grupong BPO Industry Employees Network-Cebu sa DOLE Region 7 laban sa ilang BPO firms sa lalawigan.

Ayon sa grupo, may ilang kumpanya na sapilitan pa ring pinagtrabaho ang mga empleyado sa halip na payagan silang mag-evacuate habang mayroon din umanong isinarado pa ang mga exit sa isang bahagi ng gusali.

Facebook Comments