Dolomite beach sa Maynila, maagang dinagsa; social distancing, hindi na nasusunod

Mas lalo pang dinagsa ng publiko ang Manila Bay Dolomite Beach ngayong araw ng linggo.

Ito’y sa kabila ng masamang lagay ng panahon dulot ng ITCZ at ng low pressure area.

Ilang pamilya mula sa lungsod ng Maynila, karatig na siyudad at lalawigan ang nagtungo sa Dolomite beach para masilayan ang artificial white sand at mamasyal na rin dito.


Kaugnay niyan, nahihirapan ang mga otoridad na ipatupad ang health protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask dahil sa dami ng bilang ng tao na nangtungo sa dolomite beach.

Tila hindi na rin nasunod ang patakaran na maaari lamang magtagal ng hanggang 15 minuto ang mga nasa loob nasabing beach.

Umabot din hanggang pedestrian overpass malapit sa US Embassy ang pila ng nais makapasok sa Dolomite Beach kaya’t nagdagdag ng tauhan ang MPD para masigurong walang kaguluhan na mangyayari.

Patuloy rin sa pag-ikot ang mga personnel ng Department of Environment and Natural Resources at Manila Local Government Unit para ipaalala ang pagsunod sa health protocols at maiwasan ang pagkalat ng basura gayundin ang pagbabantay sa mga pasaway na nais maligo sa dolomite beach.

Facebook Comments