Tinapos na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglalagay ng dolomite sand sa Manila Bay.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa 2023 budget ng DENR, naitanong ni Senator Nancy Binay ang reclamation sa Manila Bay na kanyang natatanaw mula sa opisina sa Senado at ang kontrobersyal na dolomite beach.
Tugon ni Environment Usec. Jonas Leones, nakumpleto na nila ang paglalagay ng buhangin sa tinaguriang “dolomite beach” kaya hindi na kailangan ng budget sa 2023 para sa paglalagay ng artificial white sand beach.
Sa kabilang banda ay tuluy-tuloy naman ang Manila Bay rehabilitation at ang pondo para rito ay ibibigay sa iba’t ibang rehiyon na nakakasakop sa Manila Bay para sa proteksyon, enforcement at installation ng waste treatment facility.
Matatandaang naging kontrobersyal noong kasagsagan ng pandemya ang nasabing beach nourishment na pinondohan ng ₱389 million.
Sa 2023 budget ng ahensya na inaprubahan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), aabot sa ₱23 billion ang panukalang pondo ng DENR.