Dolphin na Sumadsad sa Dalampasigan ng Palaui Island, Na-rescue ng BFAR Region 2

Cauayan City, Isabela- Nailigtas ng mga kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) region 2 ang isang namataang ‘dolphin’ na sumadsad sa dalampasigan ng Palaui Island kamakailan.

Katuwang ng BFAR ang ilan pang ahensya ng gobyerno gaya ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Palaui Environment Protectors, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).

Ayon kay Dr. Jefferson Soriano, veterinarian II ng DA-BFAR R02, isa umanong Pantropical Spotted Dolphin (𝘚𝘵𝘦𝘯𝘦𝘭𝘭𝘢 𝘢𝘵𝘵𝘦𝘯𝘶𝘢𝘵𝘢) ang napadpad sa dalampasigan na may habang 1.9 metro at tumitimbang ng 60 kilograms.


Dagdag pa niya, walang sugat at iba pang senyales na may iniindang sugat ang nasabing mammal.

Bago pinakawalan ang dolphin sa San Vicente Port sa Santa Ana, sinuri muna at inalagaan ng BFAR ang nasabing dolphin upang muling sumigla.

Samantala, hinihikayat naman ni Dr. Angel B. Encarnacion, OIC-regional director ng DA-BFAR R02, ang publiko na agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan o sa LGU ang anumang insidente ng mammal stranding sa kanilang lugar.

Facebook Comments