Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi sakop ng pagbawi ng “Kafala” o sponsorship system sa Saudi Arabia ang mga domestic workers o household service workers.
Ayon kay DOLE International Labor Affairs Bureau (ILAB) Director Alice Visperas, nasa 17 porsyento ng mga Pilipinong manggagawa sa Saudi Arabia ang hindi makikinabang sa bagong labor initiative na ipatutupad sa Marso ng susunod na taon.
Sinabi ni Visperas na sakop lamang nito ang mga skilled workers at mga nagtatrabaho sa mga kumpanya.
Hinihintay nila ang guidelines at paliwanag ng Saudi Arabia kung bakit hindi kasama ang mga domestic workers.
Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sa ilalim ng bagong labor initiative, maaari nang lumipat ng trabaho ang mga manggagawa sa pamamagitan ng paglipat ng kanilang sponsorship mula sa isang employer patungo sa iba.
Maaari din silang umalis at pumasok muli sa Saudi at makakuha ng final exit visas na walang consent sa kanilang employer.