Umapela si Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes sa Metro Manila Mayors na gawin na ng lahat ng lungsod ang door-to-door inoculation para sa mga senior citizen at mga person with disabilities (PWDs) sa kanilang mga sakop na komunidad.
Sa liham na ipinadala ni Ordanes kay Metro Manila Mayor League Chairman Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, hinihiling nito na suportahan ang kanyang nasabing proposal.
Iginiit ng kongresista na hindi naman kailangang gawing large scale ang door-to-door vaccination sa mga senior citizen at PWDs dahil batid naman na may mga limitasyon sa mga resources.
Pero kailangan na itong maisagawa sa lalong madaling panahon lalo pa’t marming mga lolo at lola at mga may kapansanan ang bed-ridden at hindi talaga makakalabas ng bahay.
Dahil dito, inirekomenda ni Ordanes sa mga Metro Manila Mayors na gawing targeted ang basehan ng isasagawang pagbabahay-bahay kung saan nakasentro lamang sa mga partikular na lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Umaasa naman si Ordanes sa mga alkalde na susuportahan ang kanyang mungkahi at nakahanda aniya ang kanyang tanggapan na tumulong sa formulation at implementasyon ng door-to-door inoculation.