Doses ng Pfizer vaccine, madadagdagan ng 20% kapag low dead space syringe ang gagamitin – FDA

Madadagdagan ng 20% ang doses ng bawat Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine kapag low dead space syringe ang gagamitin.

Ang espasyo sa pagitan ng plunger at karayom ay ang tinatawag na dead space.

Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, ang mga ordinaryong syringes ay mayroong dead space kung saan nakalagay ang natitirang bakuna.


Kapag low dead space syringe ang gagamitin, mananatili ang maliit na volume ng bakuna dahil sa kawalan ng espasyo sa pagitan ng plunger at ng karayom.

“’Yung vial ng vaccine nitong Pfizer, pagdating kailangan mo siya i-dilute eh. Lalagyan mo siya ngayon ng parang suwero para ma-dilute siya. At kung talagang matipid na matipid ka, maari siyang ma-extend from five doses to six doses,” sabi ni Domingo.

Sinabi naman ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na ikinokonsidera na nila ang pagbili ng mga nasabing uri ng syringes.

“Kailangan po natin i-weigh kung ano ‘yung magiging implikasyon doon sa vaccination program. Marami po bang papalitan at marami po bang oras ang igu-gulgol para pagaralan po ulit ng ating mga health care workers,” ani Vergeire.

Sa pamamagitan nito, ang 40 million doses ng Pfizer vaccine ay tataas sa 48 million doses.

Facebook Comments