Iginiit ng Department of Science and Technology (DOST) na ang implementasyon ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa buong bansa ay hindi dapat ipatupad sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Nabatid na inirekomenda ng National Economic and Development Authority (NEDA) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Nationwide MGCQ simula March 01, 2021.
Ayon kay Science and Technology Secretary Fortunato Dela Peña, suportado nila ang proposal ng NEDA pero hindi pwede ito i-apply sa mga komunidad na may mataas na transmission.
Ibig sabihin, ang pagpapatupad lamang ng MGCQ ay dapat sa mga komunidad at hindi sa buong probinsya o buong siyudad.
Binigyang diin din ni Dela Peña na “Kung may disiplina, may bakuna at magbukas na.”
Kaugnay nito, sinabi ni World Health Organization (WHO) Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, ang pagluluwag ng quarantine restrictions ay dapat gawin sa “targeted” na pamamaraan.
Mahalagang mag-ingat sa pagpapatupad ng quarantine restrictions lalo na sa mga lugar na may high level of transmission at mas pinahirap pa dahil sa presensya ng mga bagong variants.
Pangamba ni Abeyasinghe, baka mauwi lamang sa surge ng COVID-19 cases kapag niluwagan ang restrictions.