Kontrolado ang gagawing clinical trials para sa anti-parasitic drug na Ivermectin sa Pilipinas.
Matatandaang sa Mayo pa inaasahang magsisimula ang clinical trial ng naturang gamot kapag nabigyan na ito ng permit ng Food and Drug Administration (FDA) at naaprubahan ng Ethics Review Board (ERB).
Sa interview ng RMN Manila kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevarra, target ng clinical trial na malaman kung ano ang magiging response ng mga Pilipinong pasyente sa gamot.
Mahalaga ring malaman kung ano ang optimum dose na kailangang ibigay sa pasyente.
Ang magiging sakop ng clinical trials ay ang mga asymptomatic at mild cases sa mga quarantine areas.
Paglilinaw ni Guevarra na hindi pwedeng isama sa clinical trial ang mga ospital na nabigyan ng compassionate special permit dahil ang mga participant ay dapat naka-enroll sa trial.
Aniya, hindi dumaan sa pagsasala ng DOST ang mga pasyente mula sa mga ospital o hawak ng mga doktor na pinagkalooban ng CSP.
Posibleng sa December o January inaasahang matatapos ang trial saka ito isasailalim sa analysis bago maglabas ng resulta.
Hindi muna ilalahad ng DOST kung ilan ang participants ng clinical trial hanggang walang confirmation mula sa ERB at sa FDA.
Ang DOST ay hindi basta-basta nagpopondo ng clinical trials, kung saan ang World Health Organization (WHO) at sa Department of Health (DOH) lamang sila babatay.