Iginiit ng Department of Science and Technology (DOST) na wala silang impormasyon tungkol sa pagpapabakuna nila Senator Panfilo Lacson at House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, blangko sila sa pahayag ni Senate President Vicente Sotto III na nabakunahan sina Lacson at Romualdez kamakailan.
Aniya, kinakailangan munang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga isasagawang clinical trials sa mga potensiyal na COVID-19 vaccines sa bansa.
Ipinaliwanag din nito na karaniwan sa mga applications para sa clinical trial ay nire-refer sa kanilang tanggapan.
Kaugnay nito, mayroon nang limang pharmaceutical companies ang nagpahayag ng interes ng magsagawa ng clinical trial sa bansa kabilang ang Sinovac mula sa China, Sputnik V ng Russia-based Gamaleya Research Institute, at ang mga kumpanyang Astrazeneca, Janssen at Clover Biopharmaceuticals.
Ang mga nasabing COVID-19 vaccine candidates ay dapat ma-clear muna ng panel ng vaccines experts at ethics board sa DOST at FDA bago simulan ang clinical trials.