DOST, inihayag na agad na ihihinto ang phase 3 clinical trial sa Sputnik V ng Russia sakaling makitaan ng masamang epekto; Isasagawang clinical trial, tiniyak na dadaan sa scientific at ethical guidelines

Tiniyak ng Department of Science and Technology (DOST) na dadaan sa scientific process at ethical guidelines ang isasagawang phase 3 clinical trials sa Sputnik V ng Russia sa bansa.

Kasunod na rin ito ng pangamba ng publiko sa kaligtasan at bisa ng Russian COVID-19 vaccine matapos mapaulat na wala pang dalawang buwan, ang ginawang human testing ng nasabing bakuna.

Sa interview ng RMN Manila kay DOST-Philippine Council for Health Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya, ipinaliwanag nito na bago makarating ang phase 3 ang isang bakuna ay dumaan ito sa phase 1 at 2 kung saan mabusising pinag-aralan ng mga eksperto ang kaligtasan at epekto nito sa tao.


Sa isasagawang phase 3 clinical trials sa Pilipinas mula October 2020 hanggang March 2021, tiniyak ni Montoya na dadaan ang Sputnik V sa sayantipikong proseso upang masiguro ang karapatan at kaligtasan ng mga Pilipino.

Ayon kay Montoya, ang mga posibleng maging epekto lang ng bakuna ay mahigit isa hanggang dalawang araw na lagnat kung saan agad namang ititigil ito, sakaling may ma-ospital na isa sa mga makikilahok sa clinical trial.

Mahigpit din ang gagawing screening sa large-scale clinical trials lalo na’t nilinaw ni Montoya na hindi gamot ang bakuna para sa mga tinamaan ng COVID-19, kundi para ito sa mga malulusog upang makaiwas na dapuan ng nasabing virus.

Matatandaan na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang mauna sa pagpapabakuna pagdating ng Russian vaccine sa Pilipinas.

Facebook Comments