DOST, inilatag ang mga pangunahing nagawa ngayong 2025

Inilahad ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga pangunahing programa at proyekto ng ahensya ngayong 2025 na nakatuon sa mas mabilis at mas epektibong paggamit ng teknolohiya para sa kaunlaran ng bansa.

Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na pinalawak ng ahensya ang paggamit ng artificial intelligence sa pamamagitan ng programang Elevate Philippines, na layong tulungan ang iba’t ibang sektor na maging mas episyente at makabago ang kanilang operasyon.

Ipinatupad din ng DOST ang GATES platform, na nagbibigay ng digital at geographic-based data ng pamahalaan upang mapahusay ang pagpaplano at mas mabilis na pagtugon sa mga lokal na isyu.

Sa sektor ng industriya at agrikultura, isinulong ang smart factories at smart agriculture upang mapataas ang produksyon ng mga negosyo at maprotektahan ang ani ng mga magsasaka laban sa epekto ng pagbabago ng klima.

Kasama rin sa mga inisyatiba ng ahensya ang paghahanda sa disaster response, pagsusulong ng circular economy, at ang pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines, kasabay ng pagpasa ng apat na batas na sumusuporta sa science and technology agenda ng bansa.

Facebook Comments