DOST, inirekomenda ang pagbuo ng Sub-TWG sa IATF para agad na makakuha ng COVID-19 vaccines

Inirekomenda ng Department of Science and Technology (DOST) sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagkakaroon ng Sub-Technical Working Group (Sub-TWG) para sa mabilis na procurement ng bakuna laban sa COVID-19.

Naniniwala ang DOST na nakasalalay pa rin sa gagawing hakbang ng pamahalaan kung papaano tayo mauuna sa pagkuha ng COVID-19 vaccine.

Sa pagdinig ng 2021 national budget sa Kamara, sinabi ni DOST Secretary Fortunato dela Peña na kailangan pa rin idaan sa procurement process ang COVID-19 vaccine.


Para aniya maiprayoridad ang COVID-19 vaccine distribution ay isinusulong nito ang pagbuo ng Sub-TWG na pangungunahan naman ng Budget Department.

Hiwalay naman ito sa clinical trials sa bakuna na pinamumunuan ng DOST.

Samantala, tiniyak naman ni Dela Peña na mayroong Philippine Health Research Ethics Board para sa pre-clinical at clinical trials na sisiguro na nasusunod ang universal ethical principles para sa proteksyon at pagsusulong ng kapakanan ng mga indibidwal na sumasailalim sa trial.

Inihalimbawa ng kalihim ang lagundi trial para sa mga COVID-19 patients kung saan tatlong pag-apruba ang dapat pagdaanan nito, ang pagapruba ng Research Ethics Board ng UP, DOST at Food and Drug Administration (FDA).

Sa 2021 ay tumaas sa ₱23.6 billion ang pondo ng DOST, mas mataas ng tatlong bilyong piso sa ₱20.274 billion na budget ngayong 2020.

Facebook Comments