Inumpisahan na ng gobyerno ang paggawa ng 500,000 reusable face masks na ipamamahagi sa mga frontliners.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña, kalahati dito o 250,000 ay ipapamigay sa mga health workers at iba pang frontliners habang ang kalahati ay kanilang itu-turn over sa pamahalaan bilang parte ng inventory.
Katuwang aniya nila dito ang Philippine Textile Research Institute at ilang pribadong sektor sa nasabing programa.
Tiniyak din nito na tumatalima sa health safety standards ang mga rewearable, reusable, washable mask at ito ay water repellent din.
Sa ngayon, sinabi ng kalihim na nangangailangan pa sila ng karagdagang mananahi upang maitaas ang kanilang production capacity hanggang 10,000 kada linggo at target na 50,000 production capacity bago matapos ang buwan ng Hunyo.
Nabatid na maaaring gamitin o labhan ng hanggang 50 beses ang mga nabanggit na reusable face mask.