Aminado ang Department of Science and Technology (DOST) na wala pang kakayahan ang Pilipinas na makagawa ng sarili nitong bakuna laban sa COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOST Usec. Rowena Guevarra na sa ngayon, basic research pa lang ang kayang gawin ng bansa.
Bukod sa walang pasilidad sa pag-develop ng bakuna, hindi rin aniya sapat ang pondong napupunta sa ahensya.
Ayon kay Guevarra, 0.24% lang ng kabuuang budget ng gobyerno ang natatanggap ng DOST.
Pero ang good news, binigyan na aniya sila ng Department of Budget and Management (DBM) ng pondo para umpisahan ang Virology Research and Development na magbibigay-daan sa ahensya sa paggawa ng bakuna.
Samantala, bukod sa paglahok sa clinical trials ng bakuna, patuloy rin ang ginagawang pagdiskubre ng bansa ng mga gamot para sa COVID-19 gaya ng tawa-tawa, lagundi at virgin coconut oil.