Sinimulan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang dry run ng clinical trials na layong pag-aralan ang bisa ng pag-“mix and match” o paggamit ng magkaibang COVID-19 vaccine brands sa mga Pilipino.
Una itong isinagawa sa Marikina City, na isa sa mga piniling lugar para sa pag-aaral.
Ayon kay DOST Undersecretary Rowena Guevara, inaprubahan na ang mismong site kung saan gaganapin ang clinical trials sa lungsod, pati na ang pasilidad sa storage ng mga gagamiting bakuna.
Tiniyak naman ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na may nakahandang indemnification fund ang lokal na pamahalaan para pondohan ang pagpapagamot kung may makaranas ng adverse effects.
Nitong linggo, dumating sa Marikina ang nasa 400 doses ng Sinovac vaccine na gagamitin sa pag-aaral.
Hinihintay naman ng DOST ang pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) para masimulan na ang clinical trials.
Kasama sa pag-aaralan ang epekto sa proteksyon kung Sinovac ang unang dose at ibang brand ang ikalawang dose.
Susuriin din maging ang epekto sa bisa ng bakuna kung ibang brand ang ituturok na ikatlong dose sa fully vaccinated ng Sinovac.
Susunod na pagdarausan ng clinical trial ang Muntinlupa at Davao.