DOST, tututukan ang pagpapalakas sa capacity ng bansa sa COVID-19 response

Tututukan ng Department of Science and Technology (DOST) sa 2022 ang pagpapalakas sa kapasidad ng bansa sa pagtugon sa COVID-19.

Sa budget hearing ng ahensya sa House Committee on Appropriations, sinabi ni DOST Secretary Fortunato dela Peña na nakalatag na ang mga proyekto at mga pag-aaral para makayanan ng bansa ang epekto ng COVID-19.

Ilan sa mga pag-aaral na ginawa ng DOST na pinaniniwalaang mabisa para sa paggaling ng mga nagkasakit ng COVID-19 ay ang virgin coconut oil, tawa-tawa, lagundi at iba pang halaman.


Nariyan din ang ginawang production para sa Personal Protective Equipments (PPEs), face masks at mga medical equipment gamit ang mga raw materials sa bansa upang makapagbigay rin ng trabaho sa mga apektado ng pandemya.

Sa 2022, bumaba ng bahagya ang pondo ng DOST sa ₱24.338 billion mula sa ₱25.187 billion ngayong 2021.

Malaking bahagi ng pondo ng DOST sa 2022 ay nakalaan sa MOOE na nasa 77%, Personnel Services na 19% at Capital Outlay 4%.

Facebook Comments