DOT, naghahanda na sa pagbubukas ng turismo sa Mindanao

Pinaghahandaan na ng Department of Tourism (DOT) ang muling pagbubukas ng turismo sa Mindanao na pinaglaanan ng nasa 30% ng kabuuang budget ng ahensya.

Sinabi ito ni Tourism Secretary Christina Frasco sa pagtalakay ng Kamara sa panukalang pondo ng ahensya para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng mahigit 3.5 billion pesos.

Ayon kay Frasco, pangunahing konsiderasyon sa pagbubukas ng turismo sa Mindanao ang tuloy-tuloy na peace and order sa rehiyon kaya nakikipag-ugnayan na sila sa Department of National Defense (DND).


Samantala, sa budget briefing ay inilahad din ni Frasco ang pagtatatag ng ilang imprasktraktura para mapabuti ang tourism experience sa bansa.

Kabilang dito ang patatayo ng DOT ng tourist assistance call center sa mga ports na magsisilbing one stop shop gayundin ang pagtatayo ng sampung tourist rest areas sa Luzon, Visayas at Mindanao na may malinis na palikuran at pasalubong center.

Binanggit din ni Frasso ang paglulunsad ng Bisita Be My (BBM) Guest Program kung saan bibigyan ng mga insentibo ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na mag-iimbita ng kanilang mga kaanak, kaibigan at iba pang turista na bumisita sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Frasco, aayusin at ia-upgrade rin ang mga health facility at kasama rin sa plano ang pagtatatag ng mga cultural heritage areas sa buong bansa.

Facebook Comments