DOT, naglabas na ng pinal na desisyon laban sa management ng hotel kung saan namatay si Christine Dacera

Pinanindigan ng Department of Tourism (DOT) ang naging pasya nito sa pagkastigo sa City Garden Grand Hotel sa Makati City o CGGH kung saan nasawi ang flight attendant na si Christine Dacera.

Ayon sa DOT, nagkaroon ng paglabag ang hotel partikular ang “gross and evident bad faith in dealing with clients/fraudulent solicitation of business or making false, deceptive, or misleading claims or statements for the purpose of soliciting business”.

Ito ay dahil sa tumanggap ng mga kliyente o bisita ang City Garden Grand Hotel, gayung pinayagan lamang ito mag-operate bilang quarantine facility.


Pero sa halip na anim na buwan na suspensyon ng akreditasyon ng hotel sa DOT, ibinaba na lamang ito sa dalawang buwan bilang konsiderasyon na rin sa panahon ng pandemya.

Pinagmumulta rin ang hotel management ng halagang ₱10,000 dahil sa nasabing paglabag.

Ang resolusyon ng DOT ay inendorso na sa Makati City government para mapatupad ang two-month suspension sa business permit ng CGGH.

Facebook Comments