Inatasan ni Senate Committee on Tourism Chairman Senator Nancy Binay ang Department of Tourism (DOT) na maglatag ng ‘whole-of-industry approach’ upang maaksyunan agad ang mga matagalan at malawakang blackout sa tourist destinations tulad ng nangyari sa Panay Island.
Tinukoy ni Binay na isa ang industriya ng turismo o ang hospitality sector sa pinakanasaktan at pinakaapektado ng power outage sa Western Visayas.
Tanong tuloy ng senadora kung papaano maisusulong ang turismo sa rehiyon kung wala namang maaasahang suplay ng kuryente.
Ang masakit pa aniya rito, ang pinakalugi sa nangyaring power interruption ay ang mga maliliit na resorts na walang na-i-invest na alternative power source.
Agad na pinakikilos ng senadora ang DOT dahil kung hindi ay magiging bangungot ang problema sa tourism industry.
Iminungkahi ni Binay sa DOT at sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na bigyan ang mga establisyemento ng power outage business continuity plans bilang bahagi ng kanilang incident response protocols upang matiyak na magtutuluy-tuloy ang kanilang operasyon.