DOT, pinapakilos ni Sen. Binay kaugnay sa mga travel warnings na inilabas ng ibang bansa

Manila, Philippines – Pinapakilos ni Committee on Tourism Chairperson Senator Nancy Binay ang Department of Tourism (DOT) kaugnay sa travel warning na inilabas ng United Kingdom at Australia laban sa pagbyahe sa Pilipinas lalo na sa bahagi ng Mindanao.

Nangangamba si Senator Binay na makaapekto sa lagay ng ating turismo ang nabanggit na mga travel warning.

Nag-ugat ang mga naturang travel advisories sa pagsabog na naganap sa Cotabato City noong bisperas ng Bagong Taon kung saan dalawa ang namatay at 35 lima ang sugatan.


Giit ni Senator Binay, dapat mag-doble kayod ang DOT sa paglalatag ng mga hakbang para itama ang maling impression laban sa Mindanao.

Mungkahi ni Senator Binay, mainam na magkaroon ng dayalogo ang gobyerno sa mga embahada ng iba’t ibang bansa para ipabatid na ligtas na magbyahe o pumasyal dito sa Pilipinas ang kanilang mamamayan.

Facebook Comments