Cauayan City, Isabela- Nakapaglaan ng P3.1 billion ang Department of Tourism (DOT) na naibahagi na rin sa mga apektadong indibidwal sa sektor ng turismo sa Cagayan Valley.
Ito ang ibinahagi ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Ayon sa kalihim, ang ipinamahaging tulong na P5,000 bawat manggagawa sa turismo ay nakapaloob sa Bayanihan 2.
Ilan sa mga tumanggap ng tulong pinansyal ang nasa 17,127 tourism workers na kabilang sa mga accredited ng ahensya gaya ng mga hotels, inn, apartment maging ang mga tourist guide, community-based organization at LGU na konektado sa turismo ay pinagkalooban rin ng nasabing tulong na umabot sa kabuuang halaga na P85.6 million.
Sa Isabela, umabot sa 8,296 na manggagawa sa turismo ang nabigyan ng tulong ng ahensya na tinatayang nasa kabuuang halaga na P41.4 million habang sa Cagayan ay nakatanggap na ang 6,573 tourism workers o katumbas naman ng P32.9 million.
Ibinahagi rin ng kalihim na kasama rin sa natulungan ng ahensya sa Nueva Vizcaya ang 1,090 workers o katumbas naman ito ng kabuuang P5.4 million habang sa lalawigan ng Quirino ay tumanggap ang 640 na manggagawa na umabot sa P3.2 million ang naipamahagi sa kanila.
Tumanggap rin ng tulong pinansyal ang nasa 528 workers sa lalawigan ng Batanes o katumbas ng P2.6 million.
Kaugnay nito, maaari pa rin umano na magbigay ng P5,000 ang DOT sa mga apektadong indibidwal sa sektor ng turismo basta makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng DOT regional office.
Binigyang diin rin ng kalihim na handang tumulong ang ahensya dahil marami umano ang manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya kabilang na ang mga taong naaarkila gamit ang kanilang mga sasakyan patungo sa mga tourism sites.