DOT umaapela na tanggalin na ang age restrictions sa travel leisure

Umaasa ang Department of Tourism (DOT) na wala na sanang age restrictions pagdating sa turismo.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na kapag bumiyahe kasi ang isang pamilya ay mas masaya kung buo, ibig sabihin mula kay nanay at tatay pababa sa mga anak at kung minsan ay kasama pa sina lolo at lola.

Pero paglilinaw ni Sec. Puyat susunod lamang sila sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF) dahil ang mga eksperto na kabilang dito ang mas nakakaalam ng mas nakabubuti.


Sa ngayon, masaya ang DOT dahil kahit nasa Alert Level 4 ang NCR ay puwede na ang outdoor tourism, maaari naring mag-dine in at mag-staycation sa mga hotel.

Pinapayagan na rin ng IATF ang leisure travel kung saan puwede nang magbakasyon sa Boracay, Siargao at iba pang tourist destinations.

Nangangahulugan lamang aniya ito nang muling pagsigla ng turismo sa bansa.

Kasunod nito, tiniyak ni Puyat na bakunado na halos lahat ng mga tourism workers hindi lamang para sa kanilang kaligtasan kung hindi maging sa kaligtasan ng mga customers at ng mga biyahero.

Facebook Comments