Naniniwala ang Department of Tourism (DOT) na ang potensyal na pagbubukas ng iba pang tourism sites sa bansa ay nakadepende sa tagumpay ng “Ridge to Reef” travel bubble sa pagitan ng Baguio City at Ilocos Region.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang iba pang local chief executives ay nag-aalangan na buksan ang ilang local destinations dahil sa posibleng COVID-19 outbreak.
Dagdag pa ng kalihim, ang mga gobernador mula Visayas at Mindanao ay inaabangan ang magiging resulta ng pagbuo ng travel corridor sa pagitan ng Baguio City at Ilocos Region.
Bagamat ang DOT ang in-charge sa pagbuo ng lahat ng health at safety guidelines sa pagbabalik ng tourism activities, ang mga Local Government Units (LGU) pa rin ang may pinal na desisyon kung tatanggap sila ng local travelers mula sa ibang rehiyon.
“Believe me, everybody is praying that it will be so successful so the rest will follow. We want to reopen everything but they are still hesitant that tourists may bring COVID-19,” sabi ni Romulo-Puyat.
Nakiusap din ang ahensya sa Department of Health (DOH) na maglatag ng COVID-19 laboratories sa tourist centers.
Hinihintay nila ang guidelines ng DOH para sa antigen testing.
Binigyang diin ng DOT na ang hakbang na ito ay pagbalanse sa pagitan ng kalusugan at ekonomiya.