DOTr at LTO, dapat nakapaglabas na ng rekomendasyon ukol sa pagpapatupad ng Child Car Seat Law sa mga pampublikong sasakyan

Dapat ay nakapaglabas na ng rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) kung paano ipapatupad ang Child Car Seat Law sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay Senator Koko Pimentel, itinatakda ng batas na sa loob ng isang taon ay dapat nakapagbigay na ng rekomendasyon ang DOTr at LTO simula ng ito ay maipasa noong Pebrero 2019.

Sinabi ni Pimentel na ang suspensyon sa implementasyon ng batas ngayon ay pagkakataon para sa DOTr at LTO na isagawa ang pag-aaral, konsultasyon at rekomendasyon.


Sa pagdinig ng Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe ay sinabi naman ng isa sa mga pangunahing may-akda nito ng dating Senador na si JV Ejercito na hindi obligado ang mga Public Utility Vehicles (PUVs) na maglagay ng car seat o booster para sa mga pasaherong bata.

Sang-ayon din si Ejercito na huwag munang ipatupad ang batas habang may pandemya pero kanyang idiniin na para ito sa kaligtasan ng mga bata.

Tinukoy ni Ejercito na base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ay ikalawa ang car accidents sa dahilan ng pagkamatay ng mga bata na dose anyos pababa.

Sa Senate hearing ay nangako naman ang DOTr na rerepasuhin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) na ginawa ng LTO para sa Child Car Seat Law.

Aminado rin ang DOTr na dahil sa pandemya ay nagkulang sila sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko ukol sa batas.

Iginiit naman ni Senator Christopher “Bong” Go na habang suspendido ang batas ay dapat tutukan ng DOTr, Department of Education (DepEd), Philippine Information Agency (PIA) at Department of Health (DOH) ang information and communication campaign para maihanda ang mamamayan sa implementasyon nito kapag humupa na ang pandemya.

Facebook Comments