
Puspusan ang ginagawa ngayong pagpaplano ng Deparment of Transportation o DOTr para maibsan ang epekto sa daloy ng trapiko sa pagsisimula sa rehabilitasyon ng malaking bahagi ng EDSA sa darating na Abril ngayong taon.
Sa press conference sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) humingi ng paumanhin si Transportation Secretary Vince Dizon sa mga maaapektuhang mga motorista at mga pasahero na dumaraan sa EDSA sa gagawing overhaul dito.
Ipinaliwanag ni Sec. Dizon na kabilang sa pagpaplano ay ang mahalagang input na magmumula sa mga apektadong local government unit (LGU), kasama rin sa plano ang isasagawang mga traffic rerouting upang maibsan ang epekto sa daloy ng trapiko.
Ayon naman kay MMDA Chairman Romando Don Artes, malaki ang maitutulong ng mga LGU na makatutuwang sa pagpapatupad ng traffic rerouting .
Mahigpit aniya ang tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na planuhing mabuti at hindi lang ang construction effort, upang hindi ganong mahirapan ang mga motorista at mga pasahero kaya’t ikinukunsidera ang mga inputs na mula sa mga alkalde.
Kumpiyansa naman ang kalihim na maipe-presenta na ang plano sa publiko sa mga susunod na linggo.
Hindi rin anila inaalis ng pamahalaan na posibleng mai-adjust ang proyekto para sa ikabubuti ng nakararaming mga motorista na dumaraan sa kahabaan ng EDSA.