Nakatikim ng sermon mula sa isang senador ang panibago nanamang aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay makaraang maantala ang operasyon at biyahe ng mga pasahero ngayong araw dahil sa power outage sa paliparan.
Ayon kay Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe, parang hindi na natuto ang Department of Transportation (DOTr) at ang NAIA sa mga naunang kapalpakan na nagparalisa rin sa operasyon ng buong paliparan.
Giit ng senadora, hindi rin katanggap-tanggap na sa tuwing may brownout ay tatanggapin na lang na maaantala ang buong sistema ng airport at biyahe ng publiko.
Punto ni Poe, ang naturang insidente ay nagpapakita lamang ng panibagong kabiguan sa airport systems na nagdulot ng matinding abala sa mga byahero.
Pinuna rin ng mambabataas ang kakulangan sa kahandaan ng NAIA dahil ang kawalan ng gumaganang air conditioner sa maraming bahagi ng paliparan ay hindi lamang nakakabahala kundi ito ay pwedeng banta rin sa kalusugan ng mga matatanda lalo ngayon na sobrang init ng panahon.