Manila, Philippines – Dapat magpaliwanag ang Department of Transportation (DOTr) kung saan napunta ang pondo na alokasyon sa pagtatayo ng Metro Manila bus rapid transit (BRT) projects.
Ito ang ipinahayag ni Quezon City Councilor Winston Castelo na dating chairman ng House Committee on Metro Manila Development.
Ayon kay Castelo, malaki sana ang maitutulong ng mga BRT projects upang mapaluwag sa matinding trapiko ang mga major corridors sa Metro Manila.
Dalawa sana ang naipatayo ng BRT line:
Ito ay ang BRT Line 1 na magdudugtong sa Manila City Hall hanggang Philcoa along Quezon Avenue at BRT Line 2 sa kahabaan ng EDSA at magdurugtong sa BGC, Ortigas Center, Ayala Avenue at Sen. Gil Puyat Avenue.
Nanghihinayang ang dating mambabatas dahil ipinaglaban nila ang pagpondo sa BRT projects sa 17th Congress pero mistulang inupuan ng DOTr.
Dagdag ni Castelo, isang misteryo na hindi umusad ang proyekto gayong aprubado naman ito ng Department of Finance (DOF) at National Economic Development Authority o NEDA Board.