DOTr, handang humarap sa imbestigasyon kaugnay ng nagkaaberyang ATMS ng CAAP noong linggo

Courtesy: Department of Transportation (DOTr)

Aminado ang Department of Transportation (DOTr) na wala sa kasalukuyan nilang budget ang pag-upgrade o pagbili ng bagong mga kagamitan para sa kanilang Air Traffic Management System (ATMS).

Ito’y ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista kasunod ng nangyaring aberya sa mga paliparan kamakalawa makaraang bumigay ang ATMS na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ayon kay Bautista, kung tutuusin aniya ay hindi pa naman sira ang sistema subalit kinakailangan nila ng maraming piyesa bilang pamalit sakaling magka-aberya ito.


Inaako naman aniya ng CAAP ang pananagutan lalo’t ginawa naman aniya nito ang lahat ng kanilang makakaya upang maibalik agad sa normal ang operasyon.

Gayunman, sinabi ni Bautista na handa silang humarap sa anumang uri ng imbestigasyon sakaling kailanganin upang mailatag ang mga impormasyong dapat malaman ng publiko salig sa isinagawa nilang imbestigasyon.

Facebook Comments